Wednesday, June 3, 2009

PANAMBITAN NG BULUSENO Ni Fernan G. Emberga


mga kababayan ko sa bulusan
halina’t dinggin ang aking panambitan
pagmuni-muniin at inyong ipagnilay
at sama-samang isangguni sa poong maykapal

anong milagro itong nangyayari sa ating lugar
kababalaghang hindi ko rin lubos na maintindihan
bakit ang dambana nitong ating bayang mahal
winawarat at sinasalaula ng mga tampalasan

ang lumang kampanaryo na siyang piping-saksi
sa pagsilang ng bawat buluseno maging sa paglaki
ang dupikal ng kampana nito’y nagsilbing oyayi
nagpatahan sa sanggol habang pinaghehele

ang muog at simburyo nitong kampanaryo
ay bantayog at tanggulang sumisimbolo
ng maningning na kasaysayan ng ating ninuno
sa pagtatanggol sa bayan laban sa mga dayo

ngunit sa isang iglap, bakit wawasakin
ang marikit na lugar ng patio na hardin
ano kayang pumasok na masamang hangin
sa isipan ng kura-paruko at obispo sa atin

uriratin po natin aking mga kababayan
ano kaya ang nag-udyok sa kanilang kapasyahan
bakit patatayuan ng isang gasolinahan
ang harapan nitong kinalakhang simbahan

mahabaging langit, o Diyos na makapangyarihan
hipuin mo po ang puso at kanilang isipan
kung sila’y tunay mong ‘sugo’ na sa ami’y mamatnubay
huwag naman sanang ikalakal pati na ang simbahan.

3 comments:

  1. Salamatunon, Fernan, sa pagmakulog sa ato bungto. Sana maisulong ta an ikakaayad.

    ReplyDelete
  2. Pasalamatunon,an mga taga Bulusan kay kahit papanó ay may tawó pa din na nagmamakulog sa kanyang bungto."Isang Munting Tinig" na may nais iparating na sana ay mabigyan pansin nang lahat para sa ikaaayad san intero... God "Save the Kampanaryo"........

    ReplyDelete
  3. May GOD save Bulusan from the hands of people who are willing to sacrifice important LAND MARKS(BULUSAN BELL TOWER) for their greed of money.
    MABUHAY ANG MGA TAO NA LUMALABAN SA KAGAHAMAN NG ILAN SA SIMBAHAN AT MGA NASAKATUNGKULAN.

    ReplyDelete